April 22, 2024
Dahon ng neem mula sa puno ng neem tree

Iba’t ibang gamit sa Dahon ng Neem

Sharing is Caring

Noong una kong nakita ang puno ng Neem, isang gamit lang ang impormasyong aking napag-alaman, ito raw ay nagtataboy ng lamok. Pero sa mga Indian, ito ay napakaraming gamit, hindi lang sila sa dahon nagbebenepisyo. Dahil halos lahat ng parte ng neem tree ay nagagamit nila. Sa kanilang ayurveda, maraming iba’t ibang uri ng sakit ang sinasabing nagagamot ng punong ito. Bukod sa kalusugan, ang puno ng neem ay itinuturing ding sagrado. Kaya common daw na maraming kang makikitang puno ng neem sa mga kabahayan sa India.

Naging curious ako nang ma-encounter ko at gumamit ako ang isang brand ng facewash na may sangkap ng neem extract. Yep, ok nga ito sa balat. Nararamdaman mong talagang malinis ang balat pagkatapos magamit ito.

Ang neem tree ay sinasabing nag originate o native sa bansang India. Sa kanilang ayurveda medicine na libong taon ng naisulat, maraming gamit ang neem tree kung natural na lunas ang pag-uusapan. Ginagamit dito ang bark, root, fruit at ang dahon.

Dahil sa wala naman akong access sa buong puno ng neem, dahon lang ang nagagamit ko sa aking DIY skin and hair care products formulation.

At ang una kong ginawang homemade product ay ang facewash gamit ang tuyong dahon ng neem.

Benepisyo ng dahon ng Neem

Maraming dalang benepisyo ang dahon ng neem. Sa ayurveda ay marami itong sakit na maaaring lunasan. Pero focus tayo sa benepisyo nito sa balat at buhok.

Benepisyo ng dahon ng neem sa balat at buhok

  1. Anti-aging– meron daw itong antioxidant properties na makakatulong na protektahan ang balat mula sa free radicals.
  2. Anti-inflammatory– dahil sa anti-inflammatory properties nito, ang dahon ng neem ay ginagamit sa sakit ng balat kagaya ng psoriasis at eczema.
  3. Anti-microbial– meron din itong anti-microbial properties kaya ginagamit ito para natural na lunasan ang iba’t ibang uri ng impeksyon gaya ng fungal, yeast, bacterial.
  4. Anti-helmintic– ang dahon ng neem ay ginagamit din bilang pampurga.
  5. Anti acne– dahil sa anti-bacterial properties ng neem, nakakatulong ito sa regulasyon ng sebum ng mukha. Sa paraang yan, natural na lulunasan ang pagkakaroon ng acne sa balat.
  6. Buhok at anit– may kakayahan daw itong patibayan para natural na lunasan ang paglalagas ng buhok. Pagdating naman sa balakubak at pangangati ng anit, nakakatulong din daw ang dahon ng neem dahil meron itong anti-microbial properties.

Paano gamitin ang dahon ng Neem sa Balat at Buhok

Paggawa ng Neem Tea

Ang paggawa ng tea o tsa-a ay ang tradisyonal na paraan ng paggamit ng herbal medicine. Magpakulo ng dahon ng neem, tuyo man o fresh sa tubig. Pakuluan ito ng at least 5 minutes. Gamitin ang tsaa ng neem panghugas sa balat na nais bigyan ng lunas.

Paano gamitin ang Neem Tea

Paggamit ng dahon ng neem sa Alipunga

Ibabad ang paa sa ginawang neem tea ng at least 20 minutes. Kung meron kayong langis ng neem pwede nyo ring pahiran ang paa pagkatapos ibabad. Maaari ring lagyan ng pulbos o foot powder na may baking soda.

DIY baking soda foot powder para sa mabahong paa, alipunga, at fungal infection

Paggamit ng dahon ng neem para sa Oral Care

Maaari ring gamitin ang tea bilang mouthwash. Kagaya ng spearmint at peppermint, isa rin itong mouth freshener. Ang nabibiling mouthwash sa mercado ay mataas ang alcohol content. Kung gusto mong gumamit ng mouthwash na alcohol free, magandang gamitin ang neem tea. Hindi lang nito ginagawang fresh ang amoy ng bunganga, tumutulong din ito sa kalusugan ng ating gilagid.

Kung may makita kang fresh na dahon, maaari itong nguyain para maging fresh ang hininga. Sa mga organic at natural na toothpaste, isa ang neem sa ginagawang sangkap. Pwede ka ring gumawa ng tooth powder na magagamit mo pag magsisipilyo ng ngipin.

Paggamit ng dahon ng neem sa Buhok

Ang tsaa ng neem ay maaaring gamiting pang huling banlaw sa buhok. Maaari ring kayong gumawa ng hair mask gamit ang fresh leaves nito. Dikdikin ang mga dahon, lagyan ng konting langis at ito ang ipahid sa anit at buhok. Imasahe ang anit at balutin ng shower cap. Pagkaraan ng 1 oras, pwede na itong paliguan.

Paggawa ng Neem infused oil

Mahirap maghanap ng neem oil. Kaya kadalasan, kung kakailanganin ko ang langis na ito, gumagawa nalang ako ng infusion. Madali lang gumawa ng oil infusion. Pumili ng langis na gustong gamitin sa paggawa ng extract. Ilagay sa garapon ang langis at tuyong dahon ng neem. Alugin araw araw. Salain pag tapos na ang araw ng extraction.

Paggawa ng spices & herbs oil infusion

Meron ka ng neem infused oil.

Sa pagpili ng langis sa infusion, ibase ang pagpili kung saan mo ito gagamitin. Kung gagamitin ang neem infused oil sa buhok, magandang gumamit ng castor oil. Since malagkit masyado ang castor oil, mas magandang gumamit ng hot process sa oil infusion.

Ang mga benepisyo ng carrier oil o fixed oill sa kalusugan

Paano gamitin ang neem infused oil

Ang neem infused oil ay magagamit mo sa iba’t ibang paraan. Maaari mong gamitin sa anit at buhok para gamiting lunas sa paglalagas o para sa problema sa dandruff. Maganda ring dagdagan ng essential oil. Kung gagamitin ito sa buhok, magandang i recommend ang rosemary essential oil o cedarwood essential oil.

Ang na-infused na neem ay maaari ring gawing balm o salve. Isang uri ng pamahid para sa balat.

Paano gumawa ng Neem balm o Neem salve

Maaaring gumawa ng balm o salve. Ang balm at salve at pareho lang, ang pagkakaiba lang ng 2 ito ay ang consistency. Ang balm ay mas matigas sa salve. Magagamit mo itong pampahid sa balat. Sa mercado, ang balm ay binebenta para sa mga sakit ng balat gaya ng psoriasis o eczema.

MGA SANGKAP SA PAGGAWA NG NEEM BALM

  1. Neem infused oil- 25g
  2. Shea butter- 5g
  3. Beeswax– 4g
  4. Vitamin e- 0.5g

PARAAN NG PAGGAWA NG NEEM BALM

1. Pagsamahin ang neem infused oil, shea butter at beeswax sa heat resistant container. Ipainit ito hanggang matunaw ang mga solidong sangkap. Haluing mabuti.

2. Pababain ang temperatura sa 40 degrees.

3. Ilagay ang vitamin e at haluing mabuti.

Ready na ang Neem balm

Gawa sa bahay na balm o pamahid sa balat gamit ang dahon ng neem
Panoorin ang YOUTUBE VIDEO

Ang neem infused oil na ginamit ko sa video ay hot process infusion. Ang hot process oil infusion ang pinaka mabilis na paraan sa pag-i-infuse ng mga spices & herbs. Ang ginamit kong langis sa dahon ng neem ay calendula oil.

Iba pang gamit sa dahon ng neem

Ang dahon ng neem ay maaari nyo ring gawing extract. Ang extract ay maaari ninyong gamitin kung nag d-DIY kayo ng skin and hair care products.

Maaari ninyong gamitin ang extract sa;

  1. Face o body wash
  2. Shampoo
  3. Hair conditioner
  4. Lotion o cream
  5. Face sheet mask essence

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *