April 22, 2024
Extracts and tinctures ng spices and herbs.

Paano gumawa ng extracts ng mga halamang gamot

Sharing is Caring

Ang extraction ng halamang gamot ay ginagawa para makuha ang mga medicinal properties nito. At ang extract na makukuha sa halaman ay ating iinumin bilang suplemento o gagamiting natural na lunas sa mga nararamdaman. Sa mga taong ayaw dumepende sa mga synthetic na gamot, ang extraction ay isang magandang alternatibo. Sa mundo naman ng cosmetic, ito ay ginagamit na sangkap o additives sa paggawa ng mga lotion, cream, shampoo, etc.

Ano ang Herbal Extract

Ang herbal extracts ay mula sa nakuhang katas ng mga halaman gamit ang mga solvent. Ang lakas o potency nito ay depende sa paggamit o klase ng solvent na ginamit. Ang isa sa benepisyo ng extraction ng mga herbal ay para makuha o mapanatili ang mga importanteng compounds o medicinal properties ng mga halamang gamot. At ang extract o tincture ay iinumin bilang suplemento o medisina.

Maraming iba’t ibang paraan ang pagkuha o paggawa ng herbal extracts at yan ang ating susunod na pag-uusapan.

Iba’t ibang paraan ng paggawa ng herbal extract

Marami kang maaaring gawing paraan gamit ang iba’t ibang solvent para mag-extract ng halamang gamot.

1.TUBIG

a. TEA– ang paggamit ng tubig ay isang paraan ng extraction ng halamang gamot. Pakuluan ang herbal ng ilang minuto, salain ito, ilagay sa tea cups, meron ka ng tea.

Tea na gawa sa bulaklak ng gumamela.

b. Infusion– lagyan ng mainit na tubig ang herbal, ibabad ito ng ilang oras.

c. Decoction– para kang gumawa ng tea, pero ang kaibahan ay mas matagal ang pagpapakulo sa mahinang apoy hanggang sa maging kalahati ang tubig nito. Ang kalalabasan ng likido ay mas concentrated kung ikukumpara sa tea.

Ang extraction gamit ang tubig ay ang pinakamadaling proseso para mag extract ng halamang gamot. Pero may disadvantages ito, dahil may mga medicinal properties na heat sensitive. Kailangan mo ring inumin agad ang tea at infusion sa loob ng 1 araw. Kung hindi, ito ay masisira. Ang decoction naman, sinasabing maaaring tumagal ng 3 araw.

2. LANGIS

Kung gagamit ka naman ng mga langis sa pag extract ng mga halamang gamot, ito ay tatawagin mong oil infusion. Maaari itong hot process o cold process oil infusion.

Ibat ibang uri ng carrier oils at benepisyo at gamit nito.

3. Honey

Maaari ring mag-extract ng spices & herbs gamit ang honey at tinatawag itong spice o herb infused honey o honey infusion. Isa rin sa pinakasimpleng paraan at tatagal din ang produkto kung paguusapan ang shelf life. Maaaring mag-infuse ng bawang, sibuyas, calamansi, lemon, luya, oregano, rosemary, at iba pang mga spices & herbs. Ang solvent na ito ay maganda para sa mga bata.

Mga benepisyo at gamit sa honey

4.Apple cider vinegar

Ang apple cider vinegar ay ginagamit din sa extraction. Gumamit ng unfiltered para meron pa itong ¨the mother¨. Makikita ang paraan ng extraction na ito sa kusina ng mga Filipino, yung mga sili, bawang, sibuyas at iba pang spices na nakababad sa suka.

Apple cider vinegar sa baso at prutas na apple

5. Glycerin

Ang glycerin ay ang kadalasang ginagamit sa mga extracts na nabibili sa merkado. Kung gagamitin ang extract orally, gumamit ng food grade na glycerin. Dahil may glycerin na para lang sa paggawa ng cosmetics.

6. Alcohol

Mga vodka, whisky, rum, wine at iba pang alcohol ay maaaring gamiting solvent. And shelf life naman ng extracts na kung saan ang alak ang ginamit na solvent ay depende sa porsyento ng alcohol na ginamit. Pag ito ay 80 proof o 190 proof grain alcohol, maraming taon ang shelf life ng extract.

Solvent na gamit sa paggawa ng mga herbal extracts.

Sa blog na ito, focus tayo sa paggamit ng glycerin at alcohol bilang solvent ng mga halamang gamot. Para sa paggamit ng honey at langis o oil infusion, meron akong ibang blog diyan.

Paggawa ng Extract gamit ang Alak

Ayon sa mga herbalist, ang paggamit ng alak sa extraction ng mga halamang gamot ay ang pinakamagandang solvent. Dahil mas matagal ang shelf life ng produktong gagawin lalong lalo na kung mataas ang alcohol content. Ang alak rin ang magandang gamitin kung ang halamang gamot na gagamitin ay bark at roots. Dahil mas maigi raw ang pagkatas nito.

Pero mahirap ang maghanap ng solvent na mataas ang alcohol content. At kung personal na gamit lang naman, gamitin kung ano ang available.

FOLK METHOD Extraction gamit ang alak

Sa paggawa ng extract o tincture merong tinatawag na folk method. Ito ay ang paraan ng pag-extract ng ating mga lolo’t lola. Para sa akin, ito ang mas gusto kong proseso sa paggawa ng aking mga suplemento at gamit sa DIY cosmetics.

Sa ating mga matatanda sa Pilipinas, lalo na sa probinsya, makakakita kang nilalagyan ng halamang gamot ang alak. At sa mga experience ko, ang kadalasang gamit ay ang tinatawag nilang shoktong. Walang sukat sukat, basta ibabad dito ang iba’t ibang uri ng halaman ng ilang linggo. Pagkatapos ng ilang linggo, meron na silang iinumin. At ito ang iniinom nila bago kumain.

PARAAN NG PAGGAWA NG FOLK METHOD EXTRACTION

Para sa folk method extraction ng halamang gamot, gamitin nating example ang ginawa kong LICORICE EXTRACT.

Homemade o DIY Licorice extract na nasa de color na bote.
LICORICE EXTRACT

1.Lagyan ng halaman ang 1 garapon. Pag gagamit ng fresh herb, lagyan ng less than 3/4 ng halaman ang bote. Kung dried herbs naman ay kalahati lamang sa bote dahil ang tuyo ay magre-rehydrate pa.

Tuyong licorice na gagawing extract sa garapon

2.Pagkatapos ay lagyan ng solvent. Ang dami ng solvent ay yung tama lang na macover ang halamang gamot. Itabi ito sa cool & dry place ng at least 3 weeks. Alugin araw araw sa unang 1 linggo at 3-4 ( at least) na beses sa susunod na linggo. Usually, kailangan nyo ulit maglagay ng solvent after 24 hours. Lalong lalo na kung pinatuyong halamang gamot ang ginamit at kung fibrous ito. Isa rin yan sa dahilan kung bakit hindi ko ginagawa ang new method ng extraction process ng herbs.

3.After 4 weeks salain ito. Ilagay ang extracts sa de color na bote. Kung walang de color, pwede na rin basta ilagay ang extracts sa malilim na lugar kagaya ng cabinet.

Pagfilter ng extract gamit ang cheesecloth.
Pagsala
Extracted na herbal.
Paglagay ng extract sa de color na bote.

Kung mataas naman ang alcohol content ng alcohol kagaya ng 80 proof pataas, dagdagan lang ng tubig. Maaaring gawing 50 percent water at 50 percent alc. Pero sabi nga ng nabasa kong libro sa paggawa ng tincture at extract, gawin ang sa tingin mong makakabuti sayo. Dahil sa hindi naman ako masyado sa alak, kahit below 80 percent ay nagdadagdag parin ako ng tubig.

NEW METHOD Extraction

Sa new method extraction naman, susukatin ang herbal at ang solvent. Halimbawa: ang ratio na gagamitin ay 1-5.

1gram dried herb

5ml solvent

Kaya kung gagawa ka ng 100 grams na herbal, lalagyan mo ito ng 500ml ng likido. Ang solvent ay maaaring alcohol (with water kung 80 proof pataas) o glycerin (diluted with water).

50% acl (80 percent and above) at 50% water kung 80 proof pataas ang gagamiting alak. Kung below naman diyan ay maaari ng hindi magdagdag ng tubig.

Kung fresh herb naman ang gagamitin, equal ratio ang gagamitin dito, 1-1.

HOT PROCESS Extraction ng Halamang Gamot

Maaari ring gamitin ang hot process extraction ng herbal, para kang gumawa ng decoction (water infusion).

Halimbawa: Gumamela extract hot process

1. Sa 10 grams na herbal, lagyan ito ng tubig, yung tama lang na macover ang halaman. Pero during the boiling process, dahil magkakaroon ng evaporation at kung hindi ka pa kontento sa pagpapakulo dito, maaaring magdagdag pa ng tubig. Maaaring gumamit ng indirect heat (hot water bath) o direct heat.

Hot process extraction ng halamang gamot. Pagsukat ng herbal na halaman.
Hot process extraction ng halamang gamot. Pagbubuhos ng solvent sa dried herb.

2.Ipakulo ito ng dahan dahan ng at least 30 minutes.

Hot process extraction ng halamang gamot. Pagpapakulo ng herbal sa hot water bath.

3. Hanguin mula sa apoy at i-filter. Kunin ang timbang ng halamang na-extract.

Hot process extraction ng halamang gamot. Ang pag filter ng herbal na pinakuluan.

4.Lagyan ng solvent. Haluin at ilagay sa lalagyan.

Paglagay ng na extract na halamang gamot sa de color na bote.

Iba-iba ang paraan kung gaano kadaming solvent ang ilalagay. Meron gumagawa ng equal amount ng solvent sa nakuhang extract.

Halimbawa, kung 10 ml ang nakuha mong extract, 10ml din ang solvent. Meron din gumagawa ng 1:10, sa bawat 1ml ng extract, 10ml ang solvent.

Ginagawa ko ang una dahil mas gusto ko ang concentration nito. Pero sabi ko nga, ang folk method sa paggawa ng herbal extract ang mas gusto ko. Tipis sa gasul at iwas sa math 😀

Paggawa ng herbal extract gamit ang Vegetable Glycerin

Ang vegetable glycerin naman ay isa pa sa option na maaari mong gamitin. Kung gagamitin mo ang extract bilang suplemento, gumamit ng food grade na glycerin.

Vegetable glycerin na gamit sa paggawa ng skin and hair care products at herbal extracts.

Ang paggawa ng extract gamit ang glycerin ay pareho lang ang proseso sa paggawa ng extract gamit ang alak. Ito ay gagamitin mo rin ng tubig.

Ang ratio ng tubig at glycerin ay maaaring;

  1. 70 % water at 30 % glycerin
  2. 80 % water at 20 % glycerin

Hindi ko pa natry na mag extract ng 50-50 ratio kaya hindi ko alam kung gaano katagal ang shelf life ng produkto. Pero sa 70-30 at 80-20, umaaabot naman halos 1 taon ang shelf life. Pero ang usual na ginagawa ko ay konti lang, yung aabot ng 1-2 buwan para iba namang extract ng halamang gamot ang magamit.

Mga herbal extracts

Ang mga herbal extracts na nagawa ko na at nagawan ng video

  1. Green tea extract– alc & water
  2. Gumamela extract– cold process, 40 proof alc pero nagdagdag parin ako ng tubig
  3. Lavender extract– Glycerine & water
  4. Lemon peel extract– alc & water
  5. Mint/Spearmint extract– glycerine & water
  6. Paragis extract– alc
  7. Peppermint extract– glycerine & water
  8. Rose flower extract– glycerine & water
  9. Rosehip extract– alc & water

Paano ginagamit ang Herbal extracts

BILANG HERBAL SUPPLEMENT– ang paggamit ng herbal extracts ay depende sa mga spice o herbs na ginamit. Pero kadalasan, iniinom ito bago kumain. Pero kung mga herbal naman na mahapdi sa sikmura, gawing after meals, at kung mga herbal naman na ang focus ay para sa maganda at relaxing na pagtulog, inumin ito ilang oras bago matulog.

Sa mga nabibiling extracts, ang usual dosage nito ay nasa 2-5 ml tatlong beses sa isang araw. Ako naman ay mga 15-20ml ang nate-take ko sa isang araw.

Para maisingit ang disclaimer, kumonsulta sa inyong mga doktor kung gagamit ng mga suplemento.

PAGLULUTO AT SA BAKING– ang mga extracts ay maaaring gamitin sa pagluluto at baking

GAMIT SA DIY COSMETIC PRODUCTS– gamitin itong sangkap sa paggawa ng cosmetic products. Ang usual na usage rate ng mga extracts kung gagamitin sa hair & skin care products ay hanggang 5 percent ng iyong formula. Ito ay ginagamit sa cool down phase, ibig sabihin ilalagay mo ito pag nasa below 40 degrees centigrade na ang ginagawang produkto.

Mga gamit sa paggawa ng halamang gamot

  1. Garapon
  2. Baking paper
  3. Cheesecloth

Mga gabay sa paggawa ng halamang gamot

  1. Maraming iba’t ibang paraan ang paggawa nito. Sa mga nabasa kong mga libro, iba’t ibang author ay iba rin ang mga method. At kung magtra try ka, kung sa tingin mo ay mas makakabuti ang naobserbahan mong paraan na kung saan ay taliwas sa mga nabasa mo- gawin mo ito.
  2. Sa new method na kung saan ay gumagamit ng sukat ng herb at solvent, sa tingin ko ay hindi ito applicable sa lahat ng halamang herbal. Dahil merong mga herbal na pag nalagyan ng solvent ay lumalaki o nare-rehydrate. Kaya kinakailangan na magdagdag pang muli. Kaya para sa akin, mas gusto ko ang proseso ng ¨folk method¨.
  3. Maaari ring gumamit ng fresh herbs. Pero kung gagamit nito, huwag ng maglagay ng tubig dahil ang fresh herbs ay merong water content.
  4. LABELLING- ugaliing mag-label ng ginagawang extract at nagawang extract. Ang importanteng impormasyon ay ang mga, pangalan ng spice o herb, anong solvent ang ginamit, kelan inextract, kelan ifi-filter. At para sa final product naman ay ang mga, pangalan ng spice o herb, kelan na filter at kung anong solvent ang ginamit.
  5. TUBIG- gumamit lamang ng distilled water o napakuluang tubig.

Iba pang solvent na ginagamit sa pag extract ng mga halaman

  1. Propylene glycol
  2. Pentylene glycol

Ang propylene glycol at pentylene glycol ay makikita mo ring ginagamit na solvent sa pag extract ng mga halaman na ginagamit sa skin and hair care products.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *