April 22, 2024
Sandalwood powder at sandalwood essential oil

Mga Benepisyo ng Sandalwood

Sharing is Caring

Ang sandalwood ay sinasabing nagmula sa Asia. At ang bansang mayaman sa kahoy na ito ay ang India. Maraming benepisyo ang sandalwood at isa rin ito sa pinakamahal na kahoy sa buong mundo. Sobrang curious ako sa amoy at texture ng sandalwood noon at talaga namang dream ko na magkaroon ng sandalwood at ang essential oil nito. Nakabili ako nito online, powdered wood at langis.

Pero napeke ako.

Ang nabili kong powder online ay maaaring pulbos ng ibang kahoy at nilagyan lamang ng amoy ng sandalwood. Dahil ang amoy nito ay hindi nagtagal, ilang oras lang ata ay nawala na. Ang amoy ay dapat tumatagal ng hindi lang araw kundi maraming buwan.

Ganon din ang sinabing essential oil na binili ko, hindi tumagal ang amoy. FAKE!

At kung may sandalwood powder at essential oil man ako ngayon, yan ay dahil sa nakilala kong taga India. Nung sya ay nagbakasyon sa kanilang bansa, meron itong pasalubong na powder at langis ng sandalwood pagbalik niya. O, di ba? She made my dream come true.

Ano ang Sandalwood

Ang sandalwood (Santalum album) na sinasabing nagmula sa bansang India ay ang pinakamahal na variety. Meron din tayo nito, pero endangered na. Pwede kang magtanim, pero hindi mo pwedeng anihin. Kagaya ng agarwood, ang sandalwood ay sinasabing endangered kaya merong mga regulations na ganito. Nasobrahan sa pag-ani para i-export sa ibang bansa para gawing pabango, insenso at iba pa.

Sabi nga ng kaibigan kong nagbigay ng langis at pulbos, ang kalakaran ng sandalwood sa kanilang bansa ay parang kalakaran sa bawal na gamot. Dahil nga regulated ng gobyerno ang pag-ani at pagbenta nito, nagkakaroon ng illegal na kalakaran. At sabi pa nya, marami raming buhay ang nawala dahil dito.

Bakit mahal ang Sandalwood

Ang sandalwood ay isa sa mga mahal na kahoy sa buong mundo. Sa laki o dami ng demand sa sandalwood, nagkaroon ng sobrang pag-ani at ngayon nga ay konti nalang ang supply ng kahoy na ito. Hindi na balance ang pag-supply sa dami ng demand. Nagputol ng mga kahoy pero nakaligtaan ang pagtatanim at ang mga taon na hihintayin sa pag aani nito.

Maraming taon ang kakailanganin bago putulin ang kahoy ng sandalwood. Ang minimum na taon ng puno para maani ay at least 15 years. At 25 years naman kung gusto ng mas magandang quality ng kahoy.

Saan ginagamit ang SANDALWOOD

  1. Natural na lunas– ang sandalwood ay tinuturing na halamang gamot. Sa ayurvedic medicine, ginagamit itong natural na lunas sa mga karamdaman.
  2. Pag-embalsamo– sa ancient Egypt, ginamit itong sangkap sa pag-e-embalsamo ng kanilang mga pumanaw.
  3. Insenso– isa rin ito sa mga ginagamit na sangkap sa paggawa ng insenso. At sa ibang mga relihiyon kagaya ng Hinduism, ang sandalwood ay sagrado dahil ginagamit ito sa pagsamba sa kanilang diyos na si Shiva.
  4. Perfume– sa perfume industry naman, mahalaga itong sangkap sa paggawa ng perfume lalo na sa pabango na pangbabae. Ang sandalwood ay ang kadalasang ginagamit ng mga branded na pabango. At ang isang branded perfume na may sandalwood ay ang Chanel no.5.
  5. Spirituality & Magical properties– nagpapahid ng langis nito sa tinatawag na third eye bago mag meditate.

Mga benepisyo ng Sandalwood

Maraming hatid na benepisyo ang sandalwood, maaaring gamitin ang pulbos o ang langis nito.

1. Natural na lunas sa sakit ng ulo– ang simpleng paglanghap ng langis nito ay nagbibigay ng ginhawa sa sakit ng ulo. Maaari mo ring gamitin ito bilang massage oil sa iyong noo.

Sakit ng ulo sanhi ng iba't ibang sanhi o dahilan.

2. Sedative– meron itong sedative effect na makakatulong sa mga taong hirap makatulog o may insomia.

3. Antiseptic & Antibacterial– maaari itong gamitin sa skin care para natural na lunasan ang acne o tigyawat. Pwede ring gamitin ito sa anit para maiwasan o lunasan ang balakubak o dandruff. Ito rin ay natural na lunas para sa pangangati ng balat.

4. Astringent– nakakatulong ito sa toning ng balat.

5. Skin care– pag ito ay ginamit sa skin care, makakatulong ito sa pagbabawas ng wrinkles at oily skin.

6. Menstrual cramps- makakatulong ito sa cramping na dulot ng buwanang dalaw. Imasahe ang langis ng sandalwood sa lower abdomen. Ito ay maganda ring gawing relaxing massage oil dahil relaxing ang effect.

7. Stress & Depresyon– meron itong calming benefits na magandang gamitin kung nakakaramdam ng stress o depresyon.

Depresyon, stress at anxiety.

8. Sipon at Ubo– nagbibigay ng ginhawa sa paghinga sa panahon na may ubo o sipon. Maaaring gumamit ng steam inhalation o magpatak ng essential oil sa panyo o bulak o ipahid at imasahe sa dibdib at leeg.

Essential oil sa bulak. Paraan ng pagdi-diffuse ng essential oil.

Paano gamitin ang Sandalwood powder

Ang sandalwood powder ay maaaring gamitin sa balat hanggang sa anit. Gumawa lamang ng paste nito at ipahid sa balat na nangangailangan ng lunas.

Para sa balat na may inflammation o sakit, o makati

  1. Paghaluin ang 1/2 teaspoon ng sandalwood powder at 1/4 teaspoon ng turmeric powder.
  2. Basahin ito gamit ang isa sa mga sumusunod: honey, gatas, hydrosol kagaya ng witch hazel o rose.
  3. Paghaluin ito at dapat paste-like ang consistency.
  4. Ipahid ito sa balat at ibabad ng 30 minutes. Kung sa sakit naman sa kasukasuan, maganda kung pabayaan overnight.
  5. Banlawan ng maligamgam na tubig.
  6. Ang turmeric ay maaaring kulayan ang balat. Kung malawak na parte ng katawan ang gagamitin, tanggalin ang turmeric sa sangkap.
Sandalwood powder at sandalwood essential oil

Simpleng face mask gamit ang sandalwood powder

Paghaluin lang ang sandalwood powder, rose water at vegetable glycerin. Ang consistency ay hindi masyadong malapot at hindi masyadong malabnaw. Yung consistency lang na maaaring magstay ang mixture sa balat ng mukha. I-apply sa mukha na malinis at banlawan pagkaraan ng di bababa ng 30 minutes.

Rosewater na gamit sa DIY cosmetics o sangkap sa pagkain
Vegetable glycerin na gamit sa paggawa ng skin and hair care products at herbal extracts.

Iba pang gamit sa sandalwood powder

Kung meron kang sandalwood powder at hindi makahanap ng langis o essential oil nito, maaari ka paring gumawa ng langis nito sa pamamagitan ng oil infusion. Matagal ang shelf life nito at napakabango.

Paano gumawa ng sandalwood oil

Maaari kang gumawa ng sandalwood oil sa pamamagitan ng Oil Infusion. Pumili ng gustong langis na gagamitin.

Lagyan ng sandalwood powder ang garapon at ilagay ang napiling langis. Haluing mabuti at takpan. Itabi ito ng di bababa ng 3 linggo at araw araw alugin o haluin. Pag tapos na ang infusion process, salain ito. Ilagay ang nasalang langis sa isang de color na bote. Meron ka ng sandalwood oil na mula sa powder.

Bukod sa oil infusion, maaari mo rin itong gawing extract. Ang extract nito ay maaaring gamiting base ng perfume o ihalo sa mga gagawing cosmetic products.

Ang sandalwood essential oil naman ay mas concentrated o mas potent kaya mas marami itong gamit at benepisyong hatid. Pero kahit ano pang form ng sandalwood ang hawak mo, bigyan ng halaga ito. Dahil hawak mo ang isang bagay na hindi mo alam kung sa paglipas ng panahon ay magiging history na lang dahil sa kapabayaan ng mga tao.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *