April 22, 2024
Paano gumawa ng DIY Potpourri sa bahay. Mga simpleng sangkap sa paggawa nito.

Paano gumawa ng Potpourri

Sharing is Caring

Ang potpourri ay isa sa paraan ng pag-diffuse ng essential oil. Simple lang kung paano gumawa nito. Sa pagsasama sama ng mga bulaklak, buto, spices & herbs, balat ng prutas at iba pang sangkap makakagawa ka ng potpourri na alam mong natural at walang kemikal na maaaring makasira sa iyong kalusugan. At siempre ang pangunahing sangkap diyan ay ang paggamit ng essential oil.

Ano ang potpourri

Ang potpourri ay ang pinaghalo halong tuyong bulaklak, spices & herbs, balat ng kahoy, prutas at marami pang bagay. Mga sangkap na nagbibigay ng natural na bango o amoy. Ito ay ginagamit bilang dekorasyon at nagsisilbing natural na air freshener. Maaari mo rin itong ilagay sa mga cabinet o mga drawers para natural na mapabango ang mga ito at maiwasan ang mga amoy kulob.

Ang essential oil at potpourri

Ang paggamit ng essential oil ay isa sa sangkap ng paggawa ng potpourri. Sa DIY, hawak mo at ikaw ang bahala sa blending ng aroma na gusto mo. Sa kaalaman ng mga benepisyo ng essential oils, mabibigyan ka nito ng idea kung anong blending ang maaari mong gawin at kung saang parte ng bahay mo ito ilalagay.

Kung sa sala mo ito ilalagay, maaari kang gumawa ng blend ng something energetic o calming pero hindi dapat nakakaantok. Kung sa toilet o bathroom naman, blend o combination ng essential oil na malinis sa amoy at may ¨disinfectant properties¨. Sa aking video na ginawa sa aking youtube channel, ang kombinasyon na ginawa ko ay para sa bedroom. Kaya ito ay something calming at sedative. Mga benepisyo ng essential oils para sa maayos at maginhawang pagtulog.

Paano gumawa ng DIY Potpourri

Mga sangkap

  1. Tuyong bulaklak- maaari kayong gumamit ng kahit na anong bulaklak kagaya ng rose, sampaguita, champaca, lavender, chamomile, ylang ylang etc.
  2. Buto ng plum
  3. Dahon ng pine tree at ang pine cone
  4. Cinnamon stick
  5. Star anise
  6. Essential oils– Geranium essential oil, Lemon essential oil at Lavender essential oil
  7. Orris root powder- ito ay makakatulong sa pagpapatagal ng amoy.

Paraan ng PAGGAWA

  1. Maglagay ng orris root powder o ibang fixative sa mangkok.
Mga benepisyo at gamit sa orris root powder. Ginagamit din itong fixative sa paggawa ng potpourri.

2. Dahan dahang magpatak ng mga gagamiting essential oils dito. Haluing mabuti para hindi magbuo buo ang pulbos ng orris root. Ang total ng patak na ginamit ko sa paggawa ng potpourri ay nasa 70-80 drops ng essential oils.

3. Ilagay ang mga gagamiting sangkap kagaya ng buto, cinnamon stick, star anise, dahon at bulaklak. Maaari ulit patakan ng essential oils ito.

4. Ilagay sa isang garapon ang mga ito at pabayaan ng kahit hanggang 4 na linggo. Ang paraan na ito ay ginagawa para ma set-in ang amoy at sa paraang ito, tatagal ang amoy ng inyong potpourri.

Pagkatapos ng 4 na linggo, maaari na itong gamitin bilang dekorasyon at natural na air freshener. Maaari rin itong ilagay sa isang mesh bag at gamiting pampabango ng drawers o cabinet.

Mga gabay sa paggawa at paggamit ng Potpourri

  1. Marami kang pwedeng gamiting sangkap, actually kung anong TRIP mo ay pwede.
  2. Sa combination ng mga essential oils, gumawa ng combination na sa tingin mo ay magiging banayad at mabango sa pang-amoy. Kagaya rin lang sa paggawa ng pabango.
  3. Maaaring i-reuse ang nagamit na, ulitin lang ang prosesong ginawa sa paggawa ng potpourri.
  4. Pagdating sa FIXATIVE, hindi limitado sa paggamit ng orris root powder dahil maaari kang gumamit ng iba pang substitute. Halimbawa, ang cinnamon stick o powder ay maaaring substitute.
  5. Ang curing time ng potpourri ay hindi bababa ng apat (4) na linggo. Ito ay para mapatagal ang amoy.
  6. Alugin araw araw ang bote sa unang linggo ng potpourri. Ito ay para masiguradong well distributed ang amoy. At hindi bababa ng 3 beses sa mga susunod na linggo.
  7. Huwag itapon ang mga balat ng prutas lalong lalo na ang mga citrus fruits at mga bulaklak na natuyo na. Ang mga balat ng citrus fruits kagaya ng calamansi, orange, mandarin o lemon ay maaari mong patuyuin at ilagay sa garapon at itabi. Dahil ang mga ito ay magagawa mong potpourri na hindi lang pang dekorasyon, kundi natural na air freshener.
  8. Ang paggawa ko ng potpourri sa video ay sa bowl ako naghalo ng mga sangkap. Ang isa pang paraan ng paggawa nito ay diretso sa garapon. Kapag ang orris root powder at essential oil ay napaghalo ng mabuti, gawing ¨by layer¨ ang paglagay ng powder at mga bulaklak sa garapon.
Paano gumawa ng DIY Potpourri sa bahay. Mga simpleng sangkap sa paggawa nito.

Pwede bang gamitin ang Fragrance oil sa paggawa ng potpourri

Ang fragrance oil ay ang ginagamit sa mga nabibili mong potpourri, unless sinabing NATURAL ito. Dahil pag sinabing natural ang binebenta, ibig sabihin ang ginamit na langis sa produkto ay essential oil.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *