April 22, 2024
Paraan ng paggawa ng kending luya.

Ang paggawa ng Kending Luya

Sharing is Caring

Pag makati o masakit ang lalamunan, may ubo o sipon, ang kendi ay medyo nakakatulong sa nararamdaman. Kaya ang ating mga binibili ay ang mga candy na may sangkap na honey, lemon o menthol. Pero kung gusto mong natural, bakit di mo nalang gawing kendi ang luya na nasa iyong kusina. Simple lang naman ang paggawa ng kending luya dahil konting rekados lang ang kailangan. At sa konting panahon sa paghahanda, may kending luya ka na.

Benepisyo ng Kending luya

Maraming benepisyo ang kending luya. Kung nakakaramdaman ka ng pagkahilo o parang nasusuka, may ubo o sipon, masakit ang lalamunan o makati, makakatulong itong maibsan ang nararamdaman. Kahit pa ito ay may sugar content dahil sa gagamiting asukal sa pagdu-dulce, mas malayong mainam parin itong gawing substitute sa mga candy na nabibili sa merkado. Dahil mas malayong maliit lamang ang sugar content nito kung ikukumpara sa mga gawang pang comercio.

Kaya sa panahon na uso ang mga sakit kagaya ng sipon, ubo at pati narin ang lagnat, mainam na may nakahandang kendi sa inyong kabinet sa kusina.

Gumawa ng kendi gamit ang luya, ilagay ito sa isang garapon. Para kung kinakailangan ay merong agad makukuha na natural na lunas sa nararamdaman.

Paraan ng paggawa ng Kending Luya

Para sa paggawa ng kending luya ay mangangailangan ka ng ilang sangkap;

MGA SANGKAP

  1. Luya- 160 grams
  2. Tubig- 1/2 cup
  3. Asukal- 1/4 cup
  4. Asin (sea salt, celtic salt o himalayan salt)- 1 teaspoon
  5. Lemon- 1 tablespoon, calamansi o lime ay maaaring gamitin bilang substitute.
  6. Honey- 1 tablespoon
  7. Additional asukal para sa pag-coat ng kending luya.

PARAAN NG PAGGAWA

  1. Balatan at hiwain ang luya. Maaari nyo itong gawing pahaba o square, at ang kapal ay depende sa gusto mo. Depende ito sa gusto nyo sa gagawin nyong kendi.

2. Pakuluan ito sa tubig. Gumamit ng low to medium heat/fire sa pagpapakulo. Pakuluan ito ng 20-30 minutes. Pagkatapos ay hanguin sa apoy.

3. Salain ito. Huwag itapon ang tubig, ito ang gamitin sa paggawa ng syrup.

Dagdagan ng tubig kung kinakailangan para maging 1/2 cup.

4. Paggawa ng syrup

Ilagay o ibalik sa kaldero ang pinagpakuluan kasama ang 1/4 na asukal. Bahagyang tunawin ang asukal.

5. Ilagay ang asin. Ang ginamit ko dito ay ang himalayan salt na may mga benepisyo sa kalusugan.

Haluin at antaying tuluyang matunaw ang asukal at asin.

6. Pag tunaw na ang asin at asukal at medyo syrupy na ang consistency ng liquid, ilagay na ang mga luya. Dahan dahang pakuluan muli ito ng 20-30 minutes o hanggang sa malapot na ang niluluto.

7. Pag malapot na, hanguin na ito sa apoy at hayaang lumamig.

8. Pag malamig na, ilagay ang lemon at honey, haluin at itabi muli ito ng ilang oras para ma-marinade. Mainam rin kung ito ay i-marinade overnight.

9. Pagkatapos ma-marinade, i coat ito ng asukal.

Pagkatapos ma-coat ang mga luya ng asukal, itabi muli ito para matuyo. Paghiwa hiwalayin para hindi magdikit dikit.

10. Pag ang kending luya ay tuyo na, maaari na itong ilagay sa isang garapon.

At kung gusto ng candy, imbes na gumamit ng gawa sa pabrika, ito nalang DIY kendi ang dukutin sa garapon. 😀

Ganyan kadali gumawa ng DIY na kendi gamit ang spice na luya na napakaraming benepisyo sa ating katawan. Enjoy 🙂

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *