April 22, 2024
Gamit at benepisyo ng cinnamon sticks

Mga Gamit at Benepisyo ng Cinnamon

Sharing is Caring

Isa ang cinnamon ang masasabing pinaka matandang spice sa buong mundo. Nabanggit ito sa Ebers papyrus ng mga egyptian, sa aklat ng Torah, sa libro ng Ayurveda medicine ng India, Traditional Chinese Medicine at pati na rin sa Bibliya. 10 o 15 years ago, nakitaan ng potential na makakatulong ito sa sakit na diabetes. Marami pang ginagawang pag-aaral tungkol sa potential ng mga properties at compounds ng cinnamon. Hindi lang pinag-aaralan ang stick o pulbos nito, kundi pati na rin ang langis at extract.

Maraming paraan para mapakinabangan ng katawan ang mga benepisyong hatid ng cinnamon. Ihalo ito sa sa pagkain o inumin. Magagamit mo rin ito sa iyong balat dahil sa mga medicinal properties nito.

Isa ring maganda sa kaalaman na ang cinnamon ay may dalawang uri.

Dalawang uri ng Cinnamon

  1. Cassia cinnamon
  2. Ceylon cinnamon

Ano ang Cassia Cinnamon

Ang cassia cinnamon ay kilala rin sa tawag na chinese cinnamon at ito ay nagmula sa puno ng Cinnamomum cassia. Ito ang uri ng cinnamon ang kadalasan mong makikita sa mga supermarket, pwera nalang kung indicated na ¨ceylon¨. Mas mura din ito kung ikukumpara sa presyo ng ceylon cinnamon.

Ano ang Ceylon Cinnamon

Ang ceylon cinnamon naman ay tinatawag na ¨true cinnamon¨ at ito ay nagmula sa puno ng Cinnamomum verum. Ito ay native sa bansang Sri lanka at sila rin ang numero unong producer at exporter nito.

Ano ang pagkakaiba ng Cassia at Ceylon Cinnamon

Maraming pagkakaiba ang cassia at ceylon. Magkaiba ang kulay, lasa, presyo at iba pa. Pero hindi yan ang importante sa impormasyon. Pareho silang safe na kainin pero dapat tandaan na ang cassia cinnamon ay malayong mas mataas ang coumarin content kung ikumkumpara sa ceylon o true cinnamon.

Ang coumarin sa cassia cinnamon

Ang coumarin ay isang anticoagulant kagaya ng warfarin. Ayon sa ncbi, ang traces ng coumarin sa cassia ay nasa 1% at 0.004% naman sa ceylon cinnamon. Sa bawat 1 kutsaritang cassia cinnamon, ito ay naglalaman ng 5.8 to 12.1mg ng coumarin. Kung 1 teaspoon ng cassia cinnamon ang nakakain mo araw araw, ito ay sobra sa katawan. Dahil ayon sa article, ang tolerable daily intake ng ating katawan ay nasa 0.1mg per kilogram ng ating timbang araw araw. Ito ay peligroso dahil ang sobrang coumarin sa katawan ay maaaring magdulot ng iba’t ibang uri ng sakit kagaya ng cancer at pagkasira ng liver.

Kung wala kang choice dahil mahirap mahanap ang ceylon cinnamon, aba, i calculate mo ang timbang mo para within the limit lang ng cassia cinnamon ang ipasok sa katawan. Pero mahirap yatang gawin yun! Mahirap isapalaran ang sariling kalusugan at kalusugan ng pamilya.

Kaya sa susunod na diskusyon, pag sinabi kong cinnamon, lalo na kung gagamitin ito internally, ceylon cinnamon ang ibig kong sabihin.

Mga benepisyo ng Cinnamon sa Kalusugan

Ang cinnamon ay maraming medicinal compounds at properties. Meron itong antioxidants na tinatawag na polyphenols. Meron din anti-inflammatory properties, ito ay natural na analgesic, anti-microbial, anti viral.

Benepisyo ng cinnamon sa Blood sugar

May pagaaral at experiment na ginawa sa cinnamon. Gumawa sila ng dalawang grupo ng may type 2 diabetes. Ang isang grupo ay bibigyan lang ng placebo at ang ikalawang grupo ay bibigyan ng dose ng 1/4 teaspoon to 1 1/4 teaspoon ng ceylon cinnamon dalawang beses sa isang araw.

Nakitaan ng pagbabago sa mga sumusunod:

  1. Blood sugar- 15-29 percent ang pagbaba ng blood sugar.
  2. Bad cholesterol o LDL- 7-27 percent ang pagbaba ng bad cholesterol.
  3. Triglyceride- 23-30 percent ang pagbaba ng sa triglyceride.
blood sugar monitor

Sa grupo naman ng recipient ng placebo ay walang nakitang pagbabago.

Benepisyo ng cinnamon laban sa tumor

Mga herbal at sangkap sa kusina na panlaban sa kanser

Sa pagaaral ( ncbi ), nakitaan ang cinnamon na ito ay may anti tumor activity sa katawan. May kakayahan daw ito na pigilan ang paglaki o pagdami ng cancer cells sa breast, lung, ovary at leukemia.

Paano gamitin ang Cinnamon para mapakinabangan ang benepisyo nito

Habang wala ka pang nararamdamang sakit, i-incorporate mo na ito sa iyong diet. Maaari mo itong ihalo sa iyong inumin o pagkain.

Inumin at cinnamon

  1. Kape– dagdagan ng cinnamon powder ang iyong kape sa umaga.
  2. Tea– pwede mo ring budburan ang iyong tea o gumawa ng cinnamon tea.
  3. Gatas– ihalo ito sa gatas.

Pagkain at cinnamon

  1. Cereal o oatmeal– budburan ng konting pulbos ng cinnamon ang iyong oatmeal o cereal.
  2. Bread– maganda itong ihalo sa toasted bread. Lagyan ng honey ang tinapay at budburan ito ng cinnamon.

Ang cinnamon ay may benepisyo ring hatid kung gagamitin ito topically.

Ang mga Benepisyo ng Cinnamon sa Balat o Kutis

Ang cinnamon ay maaari mo ring i-apply sa balat dahil meron din itong benepisyong hatid.

1.Acne o pimples– makakatulong ito sa problema sa acne o tigyawat dahil ito ay anti-inflammatory at anti microbial.

2. Wrinkles o dark spots– pinipigilan nito ang proseso ng tinatawag na ¨Glycation¨ na dahilan ng pagkulubot ng balat at pangingitim at iba pang senyales ng pagtanda ng balat.

Paano gamitin ang Cinnamon sa iyong skin care

Naaalala ko yung napanood kong DIY makeup na gawa sa cinnamon. Instead of using pigments o colored mica sa paggawa ng foundation, ang ginamit dito ay cinnamon powder.

😀

Ang cinnamon powder, lalo na ang cinnamon essential oil ay phototoxic at irritant. Ang balat ninyo ay maaaring masunog pag ito ay na exposed sa araw. Maaari rin na magkaroon kayo ng allergic reaction dahil sa sobrang tagal na nakababad ang cinnamon sa inyong balat.

Totoong maraming benepisyo ang cinnamon, pero kailangang gamitin ito ng tama. Pero hindi naman yung gagamiting bilang foundation sa mukha para lang sabihing gumagamit ng natural na sangkap.

Kagaya ng cinnamon essential oil, ang cinnamon powder ay maaari mong gamiting pang spot treatment sa tigyawat, wrinkles at dark spot ng iyong balat.

Cinnamon at honey

Paghaluin lang ang honey at cinnamon powder bilang skin care treatment.

  1. Tigyawat– ipahid ito sa may tigyawat. Maaaring i scrub ito ng bahagya at pabayaan ng mga 5 minuto. Banlawan ng maligamgam na tubig. Kung masakit ang tigyawat, huwag ng i-scrub.
  2. Wrinkles at dark spots– Ipahid o i-apply ito sa kulubot na balat o sa nangingitim na parte ng balat. I scrub ng bahagya. Ibabad ng 5 minutes at banlawan ng maligamgam na tubig.

Huwag kakalimutang mag-apply ng moisturizer. Kung mae-expose sa araw, siguraduhing gumamit ng sunblock.

Maaari itong gawing 3-5 beses sa isang lingo. Usually, kung sa tigyawat ito inapply, sa ikalawang application, ang tigyawat ay tuyo na.

Ang mixture na ito ay maaari ring gamiting lunas sa sakit ng ulo.

Honey at cinnamon powder para sa spot treatment ng pimples o tigyawat.

Ang isa pang magandang paraan ng paggamit ng sangkap na ito sa balat ay paggawa cinnamon oil gamit ang pulbos o ang stick nito sa pamamagitan ng oil infusion. Ang cinnamon oil ay madali lang ipahid bilang spot treatment sa balat na may tigyawat, wrinkles o age spots.

Ang pulbos ng cinnamon ay maaari rin ninyong gawing isa sa mga sangkap sa paggawa ng tooth powder kung gusto ninyo ng mas natural na produkto sa inyong oral care. Maaari ninyong dagdagan ng iba pang spices & herbs kagaya ng neem, clove. Dagdagan din baking soda o calcium carbonate.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *