February 23, 2024
Mga benepisyo sa paggamit ng lanolin

Paano ginagamit ang LANOLIN sa iba’t ibang paraan

Sharing is Caring

Ang LANOLIN ay matagal ng ginagamit sa paggawa ng skin care, hair care, makeup at mga medisina. Noong unang panahon daw, ito ay sinabing ginagamit ng mga Egyptian at Greeks dahil sa abilidad nitong palambutin ang kanilang balat. Sa modernong panahon naman, naging common nang sangkap ang lanolin sa formulations ng mga hair and skin care products, make up at gamit sa lips kagaya ng lipstick o lipbalm. Pero kung titignan mo ang mga articles ngayon online at sa mga ibang librong nabasa ko tungkol sa lanolin, ito ay meron ng hindi magandang reputasyon. Sinabi kasi na ito ay maaaring magdulot ng allergy sa isang tao at yung issue ng mga aktibista sa karapatan ng mga hayop.

Ano ang LANOLIN

Ang lanolin ay mula sa Tupa/Sheep. Nagmumula ang waxy substance na ito sa sebaceous gland ng tupa para panatilihing moisturized ang kanilang wool.

Sa paggawa ng cosmetics, ang lanolin ay isa sa mga iba’t ibang uri ng emulsifying wax. Marami itong hatid na benepisyo at gamit. Magagamit mo ito sa paggawa ng skin care products, hair care products, nail care products at mga makeup pati na ang lipstick at lip care products.

Ang paggamit ng lanolin sa mga DIY products ay madali lang, hindi ito complicated gamitin. Ito ay isa rin sa mga sangkap na madaling mahanap at kadalasan mo itong makikita sa botika. Kung meron kang lanolin, ito ay maaari mo ng gamitin sa iyong balat at buhok o gamiting sangkap ang lanolin sa paggawa ng iba’t ibang produktong DIY.

Pero bago diyan, tignan muna natin ang mga benepisyong hatid ng lanolin sa buhok at balat.

Benepisyo ng LANOLIN sa Balat at Buhok

  1. Moisturizer– kagaya nga ng nabanggit, ang lanolin ay ginagamit na noong unang panahon para palambutin ang balat. Sa mga skin care and hair care products sinasabing ito ay basic ingredients dahil sa kakayahan nitong bigyan ng moisture ang balat at buhok na dry.
  2. Occlusive– ito ay isang occlusive ingredient din daw na may kakayahang i- lock in ang moisture ng balat o buhok para maiwasan ang ¨water loss¨
  3. Anti inflammatory– ito ay anti inflammatory din daw kaya ito ay ginagamit sa mga ointment at balm para pawiin ang hapdi, pangangati o iritasyon sa balat. Pwera nalang kung kayo ay may allergy dito. Kaya bago gumamit nito, magsagawa ng patch test sa sarili. Isa itong paraan para malaman kung meron kang allergy sa isang produkto lalo na kung meron kang sensitibong balat.

Paano gamitin ang LANOLIN sa Balat at Buhok

Simple lang ang paggamit ng lanolin sa balat at buhok. Ang lanolin na mabibili mo ay agaran mo na itong magagamit bilang skin and hair care. Ipapahid mo lang ito sa balat na nangangailangan ng lunas.

Kung sa buhok gagamitin ang lanolin, pagkatapos maligo at habang basa pa ang buhok ay pahiran na ito ng lanolin. Yan ang epektibong paraan kung gagamitin sa dry o damaged hair.

Ang disadvantage ng paggamit ng lanolin ay yung texture nito. Ang lanolin ay malagkit at parang mabigat ang dama sa balat kung gagamitin itong puro. Kaya ito ay ginagamit ko nalang sangkap sa paggawa ng Skin & hair care products.

Marami kang magagawang produkto gamit ang sangkap na ito para sa iyong balat at buhok. Bukod pa diyan, makakagawa ka rin ng mga makeup at lipstick.

Paano gamitin ang Lanolin sa Kuko

Para maiwasan o lunasan ang kuko na brittle, pahiran lamang ng lanolin ang kuko at maglaan ng panahon na imasahe ito. Ang lanolin ay magbibigay ng moisture para ito ay maging matibay at mapaganda ang pagtubo.

Mga Personal Care Products na maaaring gawin gamit ang LANOLIN

  1. Lipstick and lip care products– pwede mong gamiting sangkap ang lanolin sa paggawa ng lipstick, lip gloss, lipbalm at lipmask. Ang isa sa benepisyo nito kung gagamitin sa lipstick o lipgloss ay makakatulong ito na mas dumikit ang kulay sa labi. Kung sa mga lipbalm at lipmask naman ay para i-hydrate o bigyan ng moisture ang labi at bilang proteksyon na tinatawag sa ingles na ¨water loss¨.
  2. Nail balm o cream– pwede mo rin itong isama sa recipe mo kung gagawa ka ng nail cream o nail balm.
  3. Hair cream– kung masyadong mabigat ang paggamit ng pure lanolin sa buhok, maaari kang gumawa ng hair cream na may sangkap na lanolin.
  4. Lotion, cream, moisturizer– maganda ito isama sa sangkap sa paggawa ng mga lotion, cream o moisturizer para sa may mga dry to super dry skin. Pwede itong gamitin sa foot cream at hand cream, ang mga parte ng katawan na kadalasang nagiging dry at prone sa pagkakaroon ng kalyo.

Ang lanolin ay paborito kong sangkap sa paggawa ng base ng lipstick, lip balm o lip mask. Pag gumagawa ako ng overnight o sleeping lip mask, ito ang secret ingredient. Mapapanatili nito ang produkto magdamag at gigising kang moisturized ang labi.

Sleeping lip mask na gawa sa bahay. May sangkap na lanolin, mica, honey at iba pang mga natural na sangkap.

Paano gamitin ang Lanolin sa Paggawa ng Base ng Lipstick

Mga sangkap

  1. Castor oil– 50 grams
  2. sunflower oil- 1.8 gram
  3. Shea butter- 2 grams
  4. Lanolin- 1 gram
  5. Candelilla wax– 2 grams
  6. Carnauba wax- 2 grams
  7. Beeswax– 1 gram
  8. Vitamin e- 0.2 gram

Paraan ng paggawa

1. Sa isang heat resistant na container, ilagay ang lahat ng sangkap PWERA ang vitamin e.

2. Tunawin ang mga solid at oil ingredients.

3. Pag tunaw na, tanggalin sa apoy. Haluing mabuti para masiguradong well and fully incorporated ang mga natunaw na sangkap.

4. Pag nasa 40 deg celsius na, ilagay ang antioxidant na vitamin e. Haluing mabuti.

5. Ilipat sa isang container.

Maaari mo na itong gamiting base sa iyong lipstick na non-matte o matte na uri ng lipstick.

Lipstick base gamit ang lanolin para sa paggawa ng matte lipstick o non matte lipstick.
Panoorin ang VIDEO

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *