April 22, 2024
Simpleng paraan at sangkap sa paggawa ng KIMCHI

Ang pinaka simpleng KIMCHI recipe

Sharing is Caring

Ang kimchi ay isang masustansyang pagkain. Kagaya ng yogurt at yakult, ito ay isa rin sa mga pagkain na maaari nating maging source ng good bacteria. Maaaring bumili ng gawa na o gumawa ng sarili. Kung gagawa ng sarili at gagamit ng kumpletong sangkap, mahihirapan tayo sa paghahagilap nyan at medyo magastos. Hindi rin kailangang koreanong koreano ang lasa ng kimchi sa panahon ng pagtitipid. Ang importante dito ay makakagawa ka ng isang pagkain na magbebenepisyo ka sa kabila ng pagtitipid. Kaya simplehan at gawing abot kaya sa budget ang kimchi recipe.

Simpleng KIMCHI recipe

Mga sangkap

  1. Chinese cabbage o napa cabbage- 300 grams
  2. Sea salt o himalayan salt
  3. Glutinous rice flour (malagkit)- maaaring gawing substitute ang baking flour – 1 tablespoon
  4. Tubig- half cup
  5. Brown sugar- 2 tablespoon
  6. Bawang– 3 big cloves o mga 30 grams
  7. Luya– 10 grams
  8. Sibuyas- 1 medium size
  9. Patis- 1 tablespoon
  10. Chili powder o flakes- depende sa gusto mo. Mahina ako sa maanghang kaya more or less 2 kutsara lang.
  11. Roasted sesame seeds

Paraan ng paggawa

  1. Ang paghiwa sa napa o chinese cabbage ay depende sa gusto mo. Maaari mo itong hiwain ng maliliit o hatiin lamang sa gitna.

2. Lagyan ito ng asin. By layer ang paglagay ng asin sa cabbage. Sa isang mixing bowl, budburan ng asin ang bottom part ng bowl, maglagay ng cabbage, budburan ng asin, maglagay ng cabbage, budburan ng asin. Gawin ang proseso hanggang sa maubos ang cabbage.

Itabi ito ng 2 oras o hanggang sa maging stretchy ang texture nito. Baliktarin ito every 30 minutes. Pag ito ay stretchy na, maaari na itong banlawan at i-drain.

3. SAUCE– habang hinihintay ang cabbage na maging stretchy, gawin ang base sauce. Sa isang kaldero, ihalo ang rice flour at tubig. Hintayin itong maluto, more or less in less than 5 minutes luto na ang rice flour. Pagkatapos ay ihalo na rin ang brown sugar. Pag fully incorporated na ang brown sugar, patayin na ang apoy. Itabi ito para lumamig.

4. SPICES– ihanda ang bawang, sibuyas at luya. Maari mong gamitan ng food processor, coffee grinder, mortar and pestle o shredder kung gusto mong paste like ang consistency nito. Kung ayaw mo naman, tadtarin lang ang mga ito ng pinong pino.

5. Ang Paghahalo ng lahat ng Sangkap– pag ang cabbage ay drained na ng mabuti at ang sauce ay malamig na, paghaluin ang mga sangkap.

a. Ihalo ang spices (bawang, sibuyas, at luya) sa sauce.

b. Lagyan ng patis kung gusto, pero ito ay optional. Kung ayaw mo ng lasa o amoy ng patis- skip mo ang sangkap na ito.

c. Ihalo narin ang chili flakes o powder. Hindi rekomendado na i-skip ang sangkap na ito. Ang sili ay maraming benepisyong hatid, marami itong mga bitaminang hatid.

d. Paghaluing mabuti ang mga sauce at spices. Pagkatapos ay ihalo na ang cabbage, siguraduhing lahat ng parte ay meron sauce.

e. Ilipat ang homemade at simpleng kimchi sa isang garapon. Huwag punuin ang garapon, make sure na maglagay ng space sa garapon 3-5 inches space.

6. Pagsiksik– pag ang lahat ng kimchi ay nasa garapon na, itulak pababa para masiksik ang kimchi. Ang paraang ito ay ginagawa para matanggal o masigurado na walang ¨air pockets¨.

7. Pagtakip- takpan ang garapon, hindi masyadong mahigpit, slightly loose lamang. Dahil sa fermentation process ito ay magkakaroon ng ¨gas¨. Kung masyadong mahigpit ang pagkakasara ng takip, maaaring mabasag ang garapon dahil sa naproproduce na gas.

8. Fermentation proces- itabi ito sa room temperature ng 3 araw. Pero sa sa isang araw, maaari na itong kainin. Pero kung gusto mong mas maraming good bacteria ang kinakain mo, tatlong araw ay ang minimum na panahon ng fermentation process. Pag OK ka na sa lasa, ilagay mo sa ref at ito ay tatagal ng maraming buwan.

Ang ang mga benepisyo ng Pagkain ng Kimchi

Ayon sa article ng healthline, ang kimchi ay maraming benepisyo. Meron itong;

  1. Lactic acid bacteria
  2. Lactobacillus

At meron itong mga bitamina at mineral na makukuha sa mga gulay na gagamitin at gayun din sa mga ginamit na spices kagaya ng bawang, luya, sili, at sibuyas.

Sa simpleng recipe na yan hindi man kaparehas ng tamang recados ng korean recipe, magbebenepisyo parin ang katawan mo sa good bacteria na makukuha mo sa pagkaing ito. Kaya hindi kailangan na gumastos ng malaki para mabigyan ng masustansyang pagkain ang sarili mo at ng iyong pamilya. Merong kaibahan sa authentic recipe ng korean, pero kung habol mo naman ay ang sustansya, wala itong pinagkaiba. Bukod sa napa cabbage, maaari mo pang dagdagan ng iba’t ibang gulay. Adjust ang recipe sa iyong panlasa.

Maaari mo ring panoorin ang video ng blogpost na ito.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *